Ang Alamat ng Gagamba [The Legend of Spider]
The Untold Story
Noon, may isang batang nagngangalang Biboy. Siya ay sampung taong gulang at malimit na gawing katuwang ng kaniyang mga magulang sa mga gawaing bahay at pangkabuhayan. Ang kanilang pamilya ay may dampa malapit sa ilog at kaibayo nito ang masaganang pinagkukunan—ang pangisdaan ng mga sariwang huli. May munting pantalan sa gawing silangan ng kanilang dampa na nagsisilbing daungan ng bangka at ng mga huli nito. Madalas siyang bilinan ng kanyang ama na italing mabuti ang bangka sa pantalan, upang masiguro na hindi ito matatangay ng agos ng tubig. Dito, tahimik at kuntentong namumuhay ang pamilya ni Biboy.
Sa kabila ng pagsunod, si Biboy ay may taglay na katamaran—mabigat ang kanyang katawan at ayaw niya ng palakad-lakad. Isang pagkakataon, nagbilin na muli ang ama kay Biboy, at saka lumunsad sa gawing patag upang ipangalakal ang mga huling isda. Nagkataong abala noon ang ina sa pangangahoy kaya’t nag-aatubili si Biboy sa pagsunod. Nanghuli muna siya ng mga tutubi at isa-isa itong binalian ng pakpak habang nakahilata sa lilim ng akasya. Kaawa-awang mga tutubi. Maya-maya, natanawan niya ang tumpok ng mga gamu-gamo, nakangisi niyang binulabog ang mga ito hanggang masamid mismo ng insektong napasok sa bibig na nakanganga sa kakatawa. Magtatakip-silim na nang maalaala niyang oras na ng hapunan.
Nangingimay ang mga paa gawa ng matagal na pagkahiga, hindi makatayo si Biboy sa kinalalagyan. Narinig na niyang tumatawag ang ina. Pilit niyang iginalaw ang mga paa; ituro ang langit, ituro ang lupa. Ilang ulit niya itong ginawa hanggang mabawasan ang pamamanhid na nararamdaman.
Hindi inaasahan, biglang lumakas ang agos ng ilog. Dagli-dagling nakalag ang tali ng bangka at tuluyan nang tinangay ng tubig. Pasigaw na tumawag ang ina ni Biboy, “Biboy, ang bangka!” Sumagot ang anak, “Ina, nangingimay po ang aking dalawang paa!” Parang umakyat ang dugo sa ulo ng ina sa pagkarinig ng tugon. Walang pakundangang pinakli, “Tubuan ka sana ng maraming paa nang madali kang makaparine!” Noon din ay nawala sa paningin ng ina si Biboy at nang lapitan, may munting insektong malaki ang katawan at maraming paa ang bibitin-bitin sa punong akasya na natagpuan.
Iyan ang alamat ng gagamba; ang sinapit ni Biboy. Mabigat ang kanyang katawan, mahilig sa gamu-gamo, at malimit magpabitin-bitin na parang nag-uubos ng oras. Higit sa lahat, may mga paang higit sa dalawa, tulad ng sinabi ng kanyang ina.
Trivia: Kung puputulin mo ang isang paa ng gagamba, pigain mo ang pinakaugpungan at mamamasdan mong ituturo nito ang langit. Pakawalan mo ang pagkakapiga at ituturo naman nito ang lupa. Si Biboy nga!
~~Inspired by the Legend of PinYa XD
Saka na yung salin sa Ingles. Tinatamad ako. XP
[I’ll post the English Translation later. I feel lazy.]